Magpa-HIBO Ka Na

“Hibo! Hibo kayo riyan hibo!! O yung mga wala pang hibo dyan oh leterring dito na dito na…”

“Aah mani mani mani, sopdrinks. Malamig na malamig na tubig…”

“Manong manong ako na maghihibo ng puntod na yan…”

“Hoy bata ka!! Kaaga aga nandudugas ka ng kandila…”

“Aba ginong Maria napupuno ka ng grasya…”

“Erning! San nga napasalpak si inana?!”

“Pinapaalala sa lahat na bawal ang baraha at alak sa loob ng sementeryo…”

“tingining tingining… ice cream, Pinipig”

“Naanaay koo…“

“Tinatawagan ang atensyon ni ginang Patrimona Batumbakal, ang inyong anak ay narito sa himpilan…”

…………………


Ikaw?! Nagpahibo ka na ba? Nalinisan na ba ng ayos ang puntod mong dating pagkaputi puti, ngayon nama’y tatlong pulgada na ang kapal ng lupang tumatabon sa lapida. Baka hindi pa ha? Nakikita ko pa kasi ang mga talahib na matataas pa sa akin. Masukal pa rin ang mumunti mong bakuran na kasing lapad lamang halos ng katawan mo. Sa mga nakikita ko ay hindi pa nga, kung nandito man lang sana ang kahit isa sa mga kamag anak mo para magbayad, ipaghihibo kita ng puntod.

Mahirap na kasi ang buhay ngayon, napakahirap. Kailangan kong pakainin ang anim kong anak, padedehin ang kambal kong bunso, lamnan ang sikmura ng aking asawa, at punan ang nawala kong lakas sa maghapong paghihibo. Minsan lang dumating ang undas sa isang taon, kaya kinukuha ko na ang pagkakataon para makaraket. Nangutang pa ako ng isang latang pintura kay mang Ambo, para man lang malinisan ang puntod ng mga tamad nang maglinis. Mahal na rin ang pintura kaya kailangan kong gumaot ng maaga para mabawi ang pinuhunan sa listahan. Labit ang bras na pamana pa sa akin ng namatay kong kaibigan at ang gold na panglettering ko pa nung isang taon, ako ay hahayo sa Campo Santo na punong puno ng pagasa na kumita.

Madilim ang langit, mukhang uulan, madaling mapahi ang basang pintura sa malakas na buhos ng ulan. Ayos lang sa akin iyon wag lang maaabutan sa gitna ng panghihibo at malulugi sigurado ako. Naka dalawang lettering na ako ngayong araw, hindi na kaya pang paramihin ng thinner ang gold na naninigas. Mag aalas dose na, wala pa akong tanghalian, bagamat sanay na, hindi ko matiis ang pahirap na ginagawa ng init sa aking katawan, madilim ang langit pero lubhang napakainit pa rin. saan kaya ako makakhigit pa ng hibo?

Buti pa ang mga mayayamang ito, nasasakluban ng bubong ng kani-kanilang mga museleyo. Sila lang siguro ang hindi na nagpapahibo dahil punas na lamang ang kailangan upang malinisan ang mga puntod na balot ng tiles. May bubungan din ito at malawak ang espasyo para sa mga nabisita, di gaya sa mga apartment na pinaglilibingan ng mga karaniwang mamamayan, masikip, nasa gitna ng init, masukal, ngunit nangangailangan naman ng serbisyo naming mga manghihibo. Anak ng pitumpo’t pitong kaluluwang di matahimik, naagawan ako ng lilinising putod pagtanga sa mga museleyong iyon. Nakakainis talaga, bakit ngayon ko pa nagagawang mainggit, kung kailan limang taon na kaming nabubuhay sa ganitong sitwasyon, kasama ng basura at ng sementeryo. Kailan kaya uunlad ang Pilipinas? At kailan naman kaya kami makakatikim ng pag unlad na iyon? Baka pagdating ng panahon na ako na ang hihibuan.

Sa awa ng panginoong Maykapal, sa kalagitnaan ng aking pagtanga, isang matanda ang lumapit at mistulang magpapahibo.

>>: Magkano ba?

><: tu pibti manong…

>>: Itong tatlong ito lang?! 250?! Ang mahal naman hindi naman ata maganda ang pampintura mo…

><: mahal po kasi ang pang pintura manong kahit mababang klase, kasama naman po doon ang linis, at lettering…

>>: sus… hala, simulan mo na iyan at nang matapos, gusto ko yung makapal ang coating ha, yung alis pati ang kandila at sunog.

><: sige manong salamat po.

…………………

>>: Hoy! Ano naman at maglalambitin ka riyan?! E kung makuryente ka? Magkabok kaya ay nako… sagutin pa kita wala ka bang hagdan lintis naman oo tapos sisingilin mo ako ng 250?

(Wala akong nagawa kundi magpakababa at humiram ng hagdan sa mga nag-iilaw)

……………….,.

>>: pwede bang isama mo na rin itong maliit sa ibaba?

><: sige po…

…………………

>>: aba?! Hindi ba mapapahi ang sulat nyan pag hinagod mo ng diritso?

><: kita pa naman po manong wag po kayo mag-alala

>>: patungan mo na lang din ng lettering.

><: hindi po ako maalam maglettering sa semento.

>>: anak ka naman ng ewan oo, sabi mo di kasama ang lettering, tapos sasabihin mo hindi ka maalam.

><: sinusugsug lamang naman po kasi ang sa lapida yan po ay lettering talaga

>>: tapos magrarason ka pa, tinawag nga kita at ako ay naaawa lang sa iyo, ako naman ay lolokohin mo?!

><: hindi naman po kasi kasama talaga itong ibaba at yung tatlong nitso lamang ang usapan natin.

>>: hala dalian mo na iyan.

…………………..

Anak ka ng lelang mo… makikiusap ka lang pabalang pa.

………………

>>: ano tapos ka na?

><: manong may nagnakaw ng gold ko. (naubos na nga pala.) hindi ko na po maleleteeringan yung tatlo, ibabawas na lang po dun sa bayad.

>>: tamo ka nga naman oo, kaganda ganda ng usap natin hala babayaran na kita, sa taon sana ikaw ulit pero dahil gayan an trabaho mo sus naman pano ka uunlad.

><: ibabawas ko na lang po… trenta po ang lettering, tatlong nitso nobenta, bawasan nyo na lang ng nobenta.

>>: bastat akoy magbabayad sa iyo, o ayan nobenta ba kamo? O.

><: manong babawasan po ng nobenta.

>>: wala ngang lettering eh, yung baba waso pa. pasalamat ka’t may nobenta ka pa. kung ayaw mo akin na.

><: sige po salamat.

…………..

>>: boy o ito pang sampu, bumili ka ng sinilas (tsinelas) mo, (sabay tapon ng sampong pisong barya).

…………….

Ubos na ang pintura ko, nanenok ang aking gold, niyurakan ang buong pagkatao ko ng isang taong inakala kong magsasalba sa akin sa gutom at utang. Ama, nawa’y gabayan Mo ako sa mga susunod na araw. Sa tinagal tagal ko sa Campo Santo, tanging ang nobentang ito lamang ang maiuuwi ko sa aking asawa’t mga anak. Hindi ko na muna hahatian si mang Ambo, kakalimutan ko na rin muna siguro ang araw na ito. Sa mga susunod na araw, balik hibo na ulit, paglipas ng undas, balik basura na naman, siguro sa taon ay mas marami na ang itatayong museleyo sa kabilang himlayan. Pero ako, dito pa rin ako sa mga nangangailangan sa akin. Sa mga taong higit na nangangailangan ng paglilinis at pintura. Sigurado na may magpapahibo ulit sa isang taon, malamang ay naandoon pa rin ang matandang mataray at kuripot. Malay natin, mabayaran na nya ako ng husto sa susunod. . Kung sa taon ay makita nyo ako, ako na po ang maghihibo sa puntod ng mga mahal nyo sa buhay. Pipilitin kong gawin ang lahat para pati sila masiyahan.

Ito ang aking kwento, sa piling ng ingay, ng mga kaluluwa, kandila, bulaklak, mga dasal, init, pagod, at ng kahirapan, gumagaot ako para paglingkuran kayong mga nangangailangan. Kailan nga kaya kami makakatikim ng pagunlad ng bansa, sana habang hindi pa napupuno ng museleyo ang Campo santo.

Ako po si Putong, manghihibo.

…………….……

“Aah mani mani mani, sopdrinks. Malamig na malamig na tubig…”

“Hoy bata ka!! Kaaga aga nandudugas ka ng kandila…”

“Aba ginong Maria napupuno ka ng grasya…”

“Erning! San nga napasalpak si inana?!”

“Pinapaalala sa lahat na bawal ang baraha at alak sa loob ng sementeryo…”

“tingining tingining… ice cream, Pinipig”

“Naanaay koo…“

“Tinatawagan ang atensyon ni ginang Patrimona Batumbakal, ang inyong anak ay narito sa himpilan…”

Advertisements

About palab0y

I'm just a Computer Science student finding his way into the internet when suddenly he encountered different blog sites and had the interest to have his own one.

Posted on November 6, 2008, in poverty and tagged , , , , , , , . Bookmark the permalink. 1 Comment.

  1. TAGA QUEZON KA BA? ANO YUNG HIBO? HEHE!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: